Ano ang tigdas? 

Ang tigdas ay sakit na bunga ng virus at maaring may malubhang kumplikasyon. Dati-rati, ang tigdas ay karaniwan sa mga bata.  Ang tigdas ay bihira na ngayon sa NSW dahil sa bakuna subalit maraming mga lugar sa ibang bansa na patuloy pa ring nakakaranas nito. Noong 2008 may mga 164,000 namatay sa buong mundo dahil sa tigdas. 

Ano ang mga sintomas?

• Ang mga unang sintomas ay lagnat, katamlayan, ubo, sipon, mapula at makirot na mata, at masamang pakiramdam. Pagkaraan ng ilang araw, may lalabas na pamamantal sa balat. Magsisimula ito sa mukha, kakalat sa katawan, at tatagal nang 4-7 araw. Hindi makati ang pamamantal.

• Sangkatlo ng mga taong may tigdas ay nagkakaroon ng kumplikasyon. Kabilang dito ang impeksyon sa tenga, pagtatae at pulmonya, at maaaring mangailangan ng pagpapaospital. Isa sa bawat 1,000 taong may tigdas ang nagkakaroon ng encephalitis (pamamaga ng utak).

Paano ito kumakalat?

• Ang tigdas ay madalas kumakalat kapag nalanghap ng isang tao ang virus ng tigdas na inubo o binahing sa hangin ng isang taong impektado. Ang tigdas ay isa sa mga impeksyon na pinakamadaling kumalat. Maaaring mahawa kung nasa isang kuwarto na kasama ang taong may tigdas. 

• Ang mga taong may tigdas ay maaaring makahawa mula sa bago lumitaw ang mga sintomas hanggang sa apat na araw matapos lumabas ang pantal sa balat. Ang panahon mula sa pagkahawa hanggang sa pagkakasakit ay madalas umabot ng 10 araw. Ang pamamantal ay madalas lumalabas 14 na araw matapos mahawa. 

Sino ang maaaring mahawa? 

Ang tigdas ay karaniwan bago 1966, kaya ang mga taong ipinanganak bago nito ay hindi na tinatablan. Ang mga taong maaaring mahawa ay :

• mga taong ipinanganak mula 1966 na hindi nagkatigdas at hindi nabigyan ng dalawang dosis ng bakunang 

Measles-Mumps-Rubella (MMR)  mula sa edad na 12 buwan.

•        mga taong mahina ang katawan (hal., mga taong tumatanggap ng chemotherapy o radiotherapy para sa kanser  o mga taong umiinom ng mataas na dosis ng gamot na may steroid) kahit na sila ay nabakunahan na o nagkaroon na ng tigdas. 

• mga taong hindi pa nagkakaroon nito at naglalakbay sa ibang bansa.  

Paano ito maiiwasan? 

• Ang pinakamabisang proteksyon sa tigdas ay bakuna na may dalawang dosis ng bakunang MMR (measles, mumps and rubella).  Ito ay nagbibigay ng proteksyon laban sa tigdas, pati na rin sa beke at tigdas-hangin. 

• Ang bakunang MMR  ay dapat ibigay sa bata sa edad na 12 buwan at ang ikalawang dosis na MMRV (measles, mumps, rubella and varicella) ay ibinibigay sa edad na 18 buwan.  

• Sinumang ipinanganak mula 1966 at hindi nagkatigdas o nabakunahan ng MMR ay dapat manigurong nakatanggap sila ng dalawang dosis ng MMR vaccine na may pagitang apat na linggo. 

• Ligtas ang magpabakuna nang mahigit dalawang beses, kayat kung hindi sigurado ay dapat magpabakuna. 

• Ang mga taong may tigdas ay dapat manatili sa bahay hanggang hindi na sila nakakahawa (hanggang 4 na araw matapos lumitaw ang pamamantal).

• Para sa mga taong maaaring tablan at nakasama ang isang taong may tigdas, maaari pa ring maiwasan ang impeksyon sa pamamagitan ng bakunang may MMR vaccine, kung ito ay ibibigay sa loob ng  3 araw matapos malantad, o ng immunoglobulin (isang gamot na gawa mula sa dugo na nagbibigay ng proteksyon laban sa tigdas kapag ininiksyon) sa loob ng 7 araw matapos malantad. 

Paano ito nakikilala?

• Ang tigdas ay hinihinala kapag ang tao ay matamlay, may ubo, sipon, makirot na mata at lagnat na sinundan ng pamamantal. 

• Kapag ang tigdas ay hinihinala, kailangang kumuha ng blood test at mga sample mula sa ilong, lalamunan at ihi para makumpirma ang diagnosis. Ang pagkumpirma sa diagnosis ay mahalaga para matulungan ng kalusugang pampubliko ang ibang taong posibleng magkatigdas. 

Paano ito ginagamot?

  • Ang mga taong may tigdas ay karaniwang pinapayuhan na magpahinga, uminom ng maraming tubig o katumbas, at uminom ng paracetamol para sa lagnat. Walang tiyak na lunas.
  • Habang ang isang tao ay nakakahawa ng tigdas, importanteng manatili siya sa bahay upang mabawasan ang posibilidad na kumalat ito sa ibang tao. 

Ano ang tugon ng kalusugang pampubliko?

Ang mga doktor, ospital, laboratoryo, eskuwela at childcare center ay kailangang ipaalam ang mga kaso ng tigdas sa lokal na opisina ng kalusugang pampubliko. Kakausapin ng mga tauhan ng opisina ang doktor at pasyente (o mga tagapag-alaga) para alamin kung paano nangyari ang impeksyon, tukuyin ang ibang taong maaaring mahawa, magsagawa ng hakbang sa pagkontrol (tulad ng bakuna at paghihigpit sa pagpasok sa eskuwela o trabaho), at magbigay ng iba pang payo.

Leave a Comment

Word Count: 0
 
 
 

 

 
Sponsors
 

Newsletter Signup